Sa pinakabagong episode ng vlog na "Showbiz Now Na," pinag-usapan nina Cristy Fermin at mga co-host na sina Romel Chika at Wendell Alvarez ang usapin tungkol sa posibilidad ng pagtakbo ni Willie Revillame bilang senador. Batay sa ilang survey, pasok umano si Willie sa top 10, kaya tila nagiging seryoso na ang usapan ukol sa kanyang kandidatura.
Ngunit bukod sa pulitika, tila may mga kontrobersiyang bumabalot sa TV host na si Willie, partikular na sa kanyang trabaho sa TV5.
"Hawi Boys" ni Willie
Ayon kay Cristy, kung dati’y bahagi si Willie ng Hawi Boys ng singer-TV host na si Randy Santiago, ngayon ay may sarili na rin siyang grupo ng hawi boys na nauuna raw sa kanya sa tuwing naglalakad siya sa gusali ng TV5.
Bukod dito, sinasabing may patakaran na kapag dadaan si Willie sa lobby o hallway, kailangang walang tao, at bawal din umanong makasabay siya sa elevator. “Parang siya may-ari ng estasyon,” hirit pa ni Cristy.
Mga Panibagong Kautusan
Binanggit din ni Cristy na bawal umanong tumapak sa entablado ng programa ni Willie ang mga cameramen dahil magastos daw ang pagpapagawa nito.
Samantala, natsika ni Romel Chika na ayaw na raw magpatawag ng “Kuya” si Willie, at mas gusto na umano nito ang tawagin bilang “Sir.”
Kung sa kanyang Wil Tower ay may sariling elevator si Willie dahil pag-aari niya ang gusali, tila ibang usapin na raw ang paggamit ng elevator ng TV5, na dapat ay para sa lahat.
Walang Pahayag Mula kay Willie
Sa ngayon, nananatiling tahimik ang kampo ni Willie tungkol sa mga isyung ito. Bukas naman umano ang pinto para sa kanyang panig upang malinawan ang mga kontrobersiya.
Ano ang opinyon mo tungkol sa mga nasabing patakaran ni Willie sa trabaho? Sa tingin mo, karapat-dapat ba ang ganitong uri ng trato sa isang artista at host, o ito’y sobra na?